Language Barrier
Inaamin ko, bano ako mag-Tagalog. Ops, baka magalit sa akin ang mga "purists," kaya liliwanagin ko: bano ako sa wikang Pilipino. Mahusay ako sa usapang kanto, ibang level yun, nguni't pagdating sa pagsasalita ng maayos na Pilipino e olats tayo dyan. Palibhasa'y tiga Montessori, may multa kapag nagsalita ng Tagalog (talaga naman oo). Sabay ang magulang e Ilokano at Bisaya, kaya Inglis dapat ang salita sa bahay, ewan ba, especially kapag kinakausap kami ng mga au pair (yaya). Yung tipong "I told you not to do but you do now look at." Ang Lolo kong matinik, mahusay mag-Inglis, Ilokano, at Espanol, nguni't baluktot mag-Tagalog kung kaya't ini-Inglis ako parati; ang Lola ko hanggang ngayon e Ilokano at Inglis kapag ako'y kinakausap dahil hindi kailanman natutong mag-Tagalog (nung nag-aral sa Manila, pagkakataon na sana; nguni't sa kasamaang palad ay lahat ng roommate at barkada niya ay Ilongga. Kaya mahusay din siya mag-Ilonggo, wahaha).Sa totoo lang, sa Wakasan komiks at Flordeluna (parehong majorly illegal - sisante siguro mga yaya kung nahuling pinapayagan kami manood) ko natutunan mag-Tagalog. Pero hindi pa rin sapat yun nung tumuntong ako sa UPIS, pugad ng mga bugoy at batang kanto, kung saan hindi uubra ang baluktot ang dila. Hindi naman ako masyadong alaskado dahil fight ako mag-Pilipino para di ma-OP, nguni't tandang-tanda ko pa nung nag-bugtong ang isang schoolbus mate na hindi ko mahulaan (hindi na nga deretso mag-Tagalog, tatanungin mo pa ng bugtong?!) ay sabi niya "sirit?" Sitsiritsit lang alam ko noon, wala akong clue kung ano ibig sabihin ng "sirit." Muntik ko yata siya mapaiyak sa pagkabigo (frustration kumbaga). Mantakin mo na Grade 6 na ako noong malaman ko kung ano ang pagkakaiba ng "kinse," "sinkwenta" at "beinte singko" (syempre wala pa akong alam sa Espanol sa mga panahon na yun, bagama't mestiza ako...yuck).
Bagsak-bagsak halos ako sa Pilipino nung elementary (sipsep lang ako sa titser pag Christmas kaya lusot pa rin) at hindi ko talaga matarok ang mga klase ko sa Pilipino nung high school (hindi ko din naman maintindihan ang Algebra at Physics at Chem, kaya baka utak ko ang talagang may problema, pero in fairness mahusay naman ako sa English, Social Studies, at Biology kaya hindi naman ako siguro ganoong kabobo). Hirap akong magbasa ng Pilipino; mas hirap pang magsalita ng deretso (pwera nga lang pag usapang kanto - at sa UPIS ganun naman talaga ang salita). Buti nalang siguro at biglang sumikat ang isang Martin Nievera nung mga panahon na yun at natanggap ang mga bulol magsalita ng pambansang wika (datirati'y si Maria Teresa Carlson lang - sumalangit nawa si siya - ang may kapansanan sa dila).
Hanggang sa ngayo'y bulol pa rin ako mag-Tagalog ng deretso. Nakakatawa pa rin akong pakinggan kapag sinusubukan ko: dati sa Office of Legal Aid kapag may kumukunsulta o nung abogado na ako ng isang NGO ay syempre Tagalog ang usapan...sa pagpipilit na i-translate lahat ng sabihin ko sa wikang Pilipino e nagiging masyadong mabulaklak ang aking mga sinasambit. Kumbaga e parang ang kaibigan kong si Miles na Waray mula sa Tacloban, nung unang sampa sa Maynila para mag-aral sa UP Diliman e "paaralan" ang tawag sa iskul, "pisara" sa blackboard, at "kasintahan" sa boypren. Ganun din ako kapag umandar ang non-kanto "business" Tagalog ko. Makata. Dapat siguro'y sumulat nalang ako ng tula sa wikang Pilipino kaysa magbigay ng payo na legal sa nangangailangan. Oo nga pala, naging manunulat (sa Tagalog! Thank you Lord para sa English-Tagalog dictionary) din ako para kay Francis "Kiko" Pangilinan na Senador na ngayon nung siya'y nag-aaral para sa Bar pero sinasabay ang hosting sa Batas section ng Hoy Gising! Oh yes, once upon a time close kami ni Kiko, pero mas mataba si Sharon kaya sila ang nagkatuluyan. O sige na, atsaka mas magaling mag-Tagalog si Ate Shawie (bitter...).
At eto na nga. Syempre, kung sa tingin ko kailangang kausapin ng deretso at pormal na Pilipino ang mga kliyenteng humihingi ng payo, e pano pa kaya pag kinausap ko ang Diyos sa piling ng mga taong sanay magdasal sa wikang Pilipino? Hindi ko memoryado ang Aba Ginoong Maria o ang Pagpapahayag ng Pananampalataya o ang mga kasagutan sa Misa. Pero sino ang naatasan maghanda ng mga Missalette na Tagalog tuwing Misa? At maging commentator tuwing mayroong pagdiriwang ng Sakramento ng Eukaristiya sa He Cares? Sino fa. (Mahusay din pala ako hindi lamang sa usapang kanto nguni't sa usapang bakla). At ngayon, sinong inatasan (inutusan?) mamuno ng mga prayer meeting sa wikang Tagalog sa Montalban at minsan-minsan mamuno ng pagpupuri o worship o di kaya'y mag-udyok = exhort? sa mga miyembro sa Project 6? Kung sana si Kuya AG nalang palagi dahil mahusay mag-Tagalog at deretso ang dila sa pambansang wika. Pero Instik (kadalasan, yung iba e hindi ko pa alam kung ano ang "sounds like") ang tongues ko, hindi Pilipino, kaya't medyo hirap tayo diyan.
Last year pa, bumili na ako ng Tagalog na Bibliya upang magsanay ako lalo at medyo may nakikitang improvement (sana). Gaya ng mga klase ko sa Pilipino nung elementary, lumulusot pa rin naman. Pero sa tulong ng Diyos, makakayanan din yan...madami pang bagay na mas hebigats ang nakayanan sa tulong Niya, eto pa kaya. At kung kaya ni Father Steve mag-Tagalog, kakayanin ko din!! Fight!! Este, sugod kapatid sugod!!!
0 Comments:
Post a Comment
<< Home